Bentahan ng mga produktong may mercury sa mga e-commerce site, laganap pa rin
Bentahan  ng mga produktong may mercury sa mga e-commerce site, laganap pa rin
Inalerto ng BAN Toxics ang publiko matapos na nadiskubre ang patuloy na pagbebenta ng mga e-commerce site sa Pilipinas ng mga ilegal na produktong may mercury o asoge katulad ng mga pampaputi ng balat, thermometer, sphygmomanometer, dental amalgam capsule, at liquid mercury.

Nagsagawa ng online monitoring si BT Patroller Mary Kate San Juan para sa paparating na 7.7 Mega Sale ng mga online shopping platform. Natuklasan niya ang 26 na produkto ng mga mercury-containing sphygmomanometer, 6 na mga mercury thermometer, at 16 na mga mercury dental amalgam mula sa Shopee, habang ang Lazada ay mayroong 21 na produktong mga mercury-containing sphygmomanometer, 50 na mga mercury thermometer, at 18 na mga mercury dental amalgam.

Ikinabahala rin ng grupong BAN Toxics ang patuloy na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na skin lightening creams, isang pampaputi ng balat na may taglay na mercury, sa parehong online shopping site sa kabila ng mga public health advisory na inilabas ng FDA ukol sa produktong ito.

Ayon sa World Health Organization Fact Sheets on Mercury and Health, ang mercury ay itinuturing na isa sa nangungunang kemikal na dapat ikabahala at iwasan ng publiko. Ang pagkakalantad sa mercury, kahit kaunti, ay maaaring magdulot ng malubhang problema sa kalusugan. Ito rin ay maaaring magdulot ng banta sa pag-buo ng bata sa utero at maagang yugto ng buhay. Ang mercury ay maaari ding magkaroon ng mga nakakasamang epekto sa mga nervous, digestive at immune system, at sa mga baga, bato, balat, at mata.

Noong Hunyo 10, 2022, ipinasa ng Department of Health - Food and Drug Administration (DOH-FDA) ang FDA Circular No. 2022-003 na nagbabawal sa lahat ng mga mercury-added thermometer, sphygmomanometer, dental amalgam capsule, at liquid mercury para gamitin sa dental restorative purpose.

Ang circular ay tuluyang ipinagbabawal ang paggawa, pag-import, pag-export, pamamahagi, pagbebenta, alok para sa pagbebenta, donasyon, paglipat, at kung saan naaangkop, ang paggamit, pag-promote, pag-advertise, o pag-sponsor ng mga mercury-added na thermometer, sphygmomanometer, dental amalgam capsule, at liquid mercury para sa paggamit sa dental restorative purpose upang protektahan ang kalusugan ng tao mula sa masamang epekto ng kemikal na ito.

Nakasaad sa circular na ang mga mapapatunayan na lumalabag sa mga probisyon ng circular na ito ay sasailalim sa mga parusa na itinakda sa ilalim ng Republic Act 9711, o mas kilala bilang Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009, at ang mga implementing rules and regulations nito (IRR).

"Dismayado kami sa patuloy na paglaganap ng mga ilegal na produkto na may mercury na talamak pa rin ang bentahan sa Shopee at Lazada. Panahon na para sumunod ang mga e-commerce site sa regulasyon at mga ipinagbabawal na produkto ng FDA,” sabi ni Thony Dizon, Toxics Campaigner, BAN Toxics.

“Hinihikayat namin ang DOH-FDA na magsagawa ng post-marketing surveillance para sa dalawang pinakamalaking online shopping platform sa bansa at agad na tawagin ang kanilang atensyon upang tanggalin ang lahat ng mga ipinagbabawal na produktong may mercury,” dagdag ng BAN Toxics.

What's your reaction?

Facebook Conversations