Corona impeachment video, paalala sa posibleng paggamit ng AMLC records sa political persecution:Panelo
Corona impeachment video, paalala sa posibleng paggamit ng AMLC records sa political persecution:Panelo
Iginiit ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Paolo A. Panelo na nagsisilbing mahalagang paalala ang pagpapalabas ng mga lumang video mula sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona kaugnay sa paggamit ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) records sa mga kasong may politikal na implikasyon.

Sa ambush interview sa Senado nitong Huwebes, Nobyembre 19, sinabi ni Panelo na may pagkakahalintulad ang paggamit ng AMLC records sa impeachment proceedings laban kay Corona at sa kasalukuyang impeachment case ni Duterte.

Ayon kay Panelo, ginamit din umano ang AMLC records sa impeachment trial ni Corona upang palabasing mayroon itong nakatagong yaman. Gayunman, sinabi niyang kalaunan ay napawalang-sala ang dating punong mahistrado sa kasong isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.

"Ang tingin ko mahalaga dito yung kay Chief Justice Corona, ang pagkakahalintulad nito dito kay VP Sara is kung matatandaan n'yo, yung AMLC records ginamit din po sa impeachment ni CJ Corona para palabasin na may natatago siyang yaman," ani Panelo.

Dagdag pa niya, "So yun po yung siguro pinapakita ng defense na itong AMLC records, itong AMLC data, puwedeng talagang gamitin ito for political persecution."

Ginamit din umano ng defense ang video ni dating Senator Miriam Defensor Santiago bilang paalala na tungkulin ng prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon sa bawat artikulo ng impeachment.

Paliwanag ni Panelo, hindi lamang karapatan o pribilehiyo ng prosekusyon ang magharap ng ebidensya kundi obligasyon nitong patunayan ang mga isinampang alegasyon at bigyan ng pagkakataon ang respondent na makasagot.

Binigyang-diin din niya na dapat maipakita sa publiko kung may sapat na batayan ang mga alegasyon laban sa bise presidente.

Tungkol naman sa pagtutol ng ilang senador-hukom sa pagpapalabas ng mga video ng mga yumao nang personalidad, pinasalamatan ni Panelo si Senate President at presiding officer Francis "Chiz" Escudero sa pagpapahintulot kay defense lawyer Atty. Mark Vinluan na gamitin ang mga video bilang batayan ng kanyang mga katanungan.

Ayon kay Panelo, bahagi ng public record ang mga naturang video at ginamit lamang ng depensa upang ilatag ang konteksto ng kanilang mga itatanong.

Samantala, itinanggi rin niya ang mga pahayag ng prosekusyon na desperado na ang kampo ni Duterte at ginagamit lamang ang mga video upang makakuha ng simpatiya ng publiko.

"Hindi ko naman nakikitang nag-backfire yun kasi nilagay lang yung konteksto na yung AMLC records puwedeng gamitin sa political prosecution," paliwanag niya.

Samantala, nilinaw din ni Panelo na wala pang pinal na desisyon kung haharap mismo si Duterte bilang testigo sa impeachment trial.

"Antayin po natin yung magiging desisyon ng defense team at ni VP Sara kung haharap siya or hindi," aniya.

Atty. Salvador Paolo Panelo

Ruth Palo
Official Verified Account

What's your reaction?

Facebook Conversations