12 F-16 fighter jets ng Amerika, nasa bansa para sa pagsasanay
12 F-16 fighter jets ng Amerika, nasa bansa para sa pagsasanay
Dumating ngayong araw ng Lunes (Marso 14) ang 12 F-16 fighter jets ng United States Air Force (USAF) para makilahok sa ika-10 “Bilateral Air Contingent Exchange” exercise kasama ang Philippine Air Force simula ngayong araw hanggang Marso 25.

Iniulat  ng tagapagsalita ng Philippine Air Force  (PAF) Colonel Maynard Mariano,  30 piloto mula sa PAF at USAF ang lalahok sa 12-araw na pagsasanay kung saan sasailalim ito  sa iba’t-ibang scenario. 

Ang mga scenario na ito ay kinabibilangan ng Air-to-Air Engagement, Base Defense; Air Traffic Navigations and Integration Coordination; Air Battle Management, Air Defense Command and Control Operations; Radar and Radio Operations; at Surface to Air Missile Operation and Deployment Planning.

Ayon kay Mariano, mangyayari ang mga ehersisyo  sa Basa Air Base, Floridablanca, Pampanga; Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga; Colonel Ernesto Ravina Air Base, Capas, Tarlac; at Wallace Air Station sa San Fernando La Union.

Dagdag ng opisyal, magandang pagkakataon ang nasabing exercise para masanay ang mga pilotong Pinoy  kung sakaling magkaroon ng F-16 fighters ang Pilipinas sa darating na panahon.

Matatandaan na sinabi noon ng kalihim ng Department of National Defense (DND) Delfin Lorenzana na plano ng pamahalaan na bumili ng F16 fighter jets.

Larawan: Philippine Air Force

What's your reaction?

Facebook Conversations