16 BOTO PA RIN ANG KAILANGAN PARA MA-CONVICT SI VP SARA-ATTY. PANELO
16 BOTO PA RIN ANG KAILANGAN PARA MA-CONVICT SI VP SARA-ATTY. PANELO
Iginiit ni Salvador “Paolo” Panelo Jr., spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na 16 na boto pa rin ang kinakailangan upang mahatulan ang bise presidente sa impeachment trial, kasunod ng desisyon ng Senate Impeachment Court na ibaba sa 14 ang conviction threshold

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Setyembre 23, sinabi ni Panelo na malinaw umano sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na ang conviction ay nangangailangan ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.

Ayon kay Panelo, dahil 24 ang kabuuang miyembro ng Senado, dapat ay 16 ang kinakailangang boto para sa conviction, anuman ang bilang ng mga senador na aktuwal na nakikilahok sa paglilitis.

Nauna nang nagpasiya ang Senate Impeachment Court na ang two-thirds requirement ay ibabase sa 20 senador na kasalukuyang maaaring lumahok sa proceedings, kaya 14 na boto na lamang ang kailangan para sa conviction. Labintatlong senator-judge ang bumoto pabor sa ruling, habang si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang tumutol.

Sinabi ni Panelo na ang naturang desisyon ay isang paglabag sa Konstitusyon at sa karapatan ni Duterte sa due process at sa isang patas at walang kinikilingang paglilitis.

Iginiit din niya na wala umanong kapangyarihan ang Senado na baguhin ang constitutional requirement at dahil dito ay kinuwestiyon niya ang legal at moral na awtoridad ng impeachment court na ipagpatuloy ang kaso.

Samantala, sinabi ng defense team ni Duterte na pinag-aaralan nito ang posibilidad na kuwestiyunin sa Supreme Court ang ruling sa voting threshold, kabilang ang posibilidad ng paghiling ng temporary restraining order.

Ang usapin sa bilang ng boto ay nag-ugat sa interpretasyon sa pariralang “two-thirds of all the Members of the Senate” sa Constitution. Noong Hulyo, unang itinakda ni Escudero na 16 na boto ang kailangan batay sa 24 na miyembro ng Senado. 

Atty. Salvador Paolo Panelo Jr.

What's your reaction?

Facebook Conversations