views
Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, Oktubre 21, pinasalamatan ni Duterte ang Korte Suprema sa pagtatanggol sa Konstitusyon at pagtiyak na manaig ang batas, kasunod ng desisyon nito hinggil sa mga probisyon ng General Appropriations Act (GAA) para sa 2024 at 2025, gayundin sa ilang bahagi ng GAA 2026.
Ayon sa bise presidente, pinagtibay umano ng desisyon ng kataas-taasang hukuman ang kanyang babala noong 2024 na hindi na ginagampanan nang maayos ng Bicameral Conference Committee o Bicam ang tungkulin nito sa pagsusuri ng pambansang badyet.
Sa halip na magsuri at magtalakay, sinabi ni Duterte na naging “stamping pad” na lamang umano ang Bicam na sumusunod sa kagustuhan ng Malacañang sa usapin ng pambansang badyet.
Kinuwestiyon din niya ang paglagda ni Marcos sa badyet na aniya ay hindi tumutugma sa National Expenditure Program (NEP) na inihain ng sarili nitong administrasyon.
“Ang pambansang badyet ay pera ng taumbayan, hindi kasangkapan sa pamumulitika at personal na interes ng mga nasa puwesto sa gobyerno,” diin ni Duterte.
Dagdag pa niya, matapos ipagtanggol ng Korte Suprema ang batas, panahon na rin umano upang managot sa publiko ang pangulo at mga mambabatas na inakusahan niyang nag-abuso sa pondong dapat sana ay ginamit para mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Facebook Conversations