Higit 6K katao lumikas dahil sa bakbakan sa Sulu
Higit 6K katao lumikas dahil sa bakbakan sa Sulu
Umabot sa 1,174 pamilya o 6,455 katao ang nagsilikas dahil sa bakbakan na nagsimula nitong Sabado (Hunyo 24) sa Maimbung, Sulu sa pagitan ng armadong grupo ni dating vice-mayor Pando Mudjasan at mga tropa ng pamahalaan.

Batay sa ulat, nangyari ang bakbakan matapos pinaulanan ng bala nang grupo ni Mudjasan ang pulis at sundalo na magsilbi sana ng arrest at search warrants.

Sa ulat na inilabas ni PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Red Maranan, ang mga bakwit ay mula Barangay Bualo Lipid kung saan naganap ang bakbakan, at mga katabing barangay ng Laum Maimbung, at Barangay Poblacion. 

Kasalukuyang nasa tatlong evacuation Center sa Matatal Covered Court, Matatal Elementary School at Mawaji Elementary School ang mga apektadong residente.

Samantala, selyado ng militar ang Maimbung Sulu upang paigtingin ang pursuit operations laban sa grupo ni Mudjasan at para mapigilan ang posibilidad na pagpasok  ng ibang mga sympathizers ng dating bise-alkalde.

Sinasabing nasa 20 hanggang 30 ang grupo ni Mudjasan na iniulat na umabot sa 50 noong mangyari ang bakbakan, kung saan karamihan ay mga kamag-anak na Moro National Liberation Front (MNLF) members. 

Ayon kay 1101st Infantry Brigade commander Brigadier General Eugenio Boquio hindi “sanctioned” ng MNLF si Mudjasan.

Binigyang diin ng opisyal na  ang pagtugis ng PNP at AFP sa grupo nito ay isang “law enforcement operation”. 

Kabilang umano si Mudjasan at ang kapatid nito  sa mga sugatan sa inisyal na bakbakan noong Sabado.

June 26, 2023 bakbakan ng AFP-PNP at armadong grupo ng dating vice-mayor sa Sulu. Video from PNP

What's your reaction?

Facebook Conversations