Kapasidad ng bawat barangay health workers at responders sa Mati City, pinaigting bilang paghahanda laban sa Omicron Variant
Kapasidad ng bawat barangay health workers at responders sa Mati City, pinaigting bilang paghahanda laban sa Omicron Variant
DAVAO CITY – Pinaigting ngayon ng pamahalaang lokal ng Mati City, Davao Oriental ang kapasidad ng bawat barangay health workers at responders para sa muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Ito ang inilahad ni Mati City  Incident Management Team commander Dr. Ben Hur Catbagan Jr. sa inilabas na pahayag nitong Lunes. 

Ayon kay Catbagan pinaigting nila ang pagpapatibay ng kapasidad ng mga emergency response team para anumang oras ay makakatugon ito kaagad sa panahon na muling sisipa ang kaso nito sa kani-kanilang mga barangay. 

Ito'y bilang paghahanda na rin sa posibleng pagpasok ng Omicron Variant sa kanilang lungsod kahit nagtala lang ito ng isang kaso ng COVID-19 nitong Enero 3. 

Sinabi ng opisyal na inaasahan nilang makikita ang pag-akyat ng kaso nitong holiday season ngayong Enero 15 dahil sa dami ng aktibidades ng mga tao sa panahong ito sa kanilang lungsod. 

Patuloy pa rin ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa lahat ng kanilang kababayan na tumalima minimum public health standards gaya ng sa pagsusuot ng facemask, pag-iwas sa mga pagtitipon-tipon, at  ang pagpabakuna kontra COVID-19.

File photo from Mati CIO 

What's your reaction?

Facebook Conversations