Mga gamit ng bomba, natagpuan sa loob ng paaralan sa Lamitan,Basilan

Natagpuan ng mga tropa ng 18th Infantry Battalion ang isang bag na naglalaman ng mga panggawa ng improvised explosive device (IED) sa loob ng isang lumang paaralan sa Sitio Pandakan, Barangay Parangbasak, Lamitan City, Basilan.

Sinabi ni Brigadier General Domingo Gobway, Commander ng Joint Task Force Basilan, nagsasagawa ang mga tropa ng strike operation laban sa bandidong Saddam Siddick Group madaling araw ng Huwebes nang matagpuan  ang mga gamit pampasabog. 

Ayon sa kanya, agad  rumesponde ang mga tauhan ng 39th Explosive Ordnance Disposal at narekober ang mga IED components. 

Nanawagan naman sa publiko si Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Lieutenant General Alfredo Rosario, Jr. na i-report agad sa mga awtoridad ang mga kahinahinalang aktibidad o indibidwal  sa kanilang lugar para mapigilan ang paghahasik ng kaguluhan ng mga lawless elements.

Larawan mula WestMinCom