Sa isang pahayag, sinabi ni Bondoc na matagal na niyang pinag-iisipan ang desisyon at nakatulong ang mga nagdaang pangyayari upang tuluyan niyang malinawan ang kaniyang pasya.
Aminado ang abogado na mahirap para sa kaniya ang gampanin bilang neutral political host dahil mayroon siyang sariling paninindigan, partikular sa mga usapin ng korapsyon, kapakanan ng bansa at mga hakbang ng ilang opisyal ng pamahalaan na itinuturing niyang labag sa Konstitusyon.
“Talagang napakahirap po na maging isang 'neutral political host' dahil hindi naman po neutral ang pananaw ko—lalo na po pagdating sa korapsyon, sa kapakanan ng bayan, at sa mga unconstitutional na galaw ng ilang tao sa pamahalaan,” ani Bondoc.
Ipinaliwanag din niya na bilang isang abogado na may matitibay na opinyon, madalas siyang nahihirapang pagsabayin ang tungkulin bilang moderator at ang pakikilahok sa mga debate habang pinangangalagaan ang kaniyang moralidad at mahinahong pakikipagtalakayan.
“Kaya sa halip na maipit pang muli, minarapat ko na lang pong magpaalam sa Politiko Talks kahit napakaganda ng palatuntunang ito,” dagdag niya.
Gayunman, nilinaw ni Bondoc na walang naging pagkukulang ang pamunuan ng programa sa kaniya at sa halip ay pinasalamatan niya ang magandang pakikitungo sa loob ng mahigit sampung buwan.
“Wala po silang kasalanan sa akin, at naging napakabuti po nila sa loob ng mahigit sampung buwan,” aniya.
Sa kabila ng kaniyang pag-alis, umaasa si Bondoc na mabibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga tagasuporta ng Duterte Diehard Supporters (DDS) na maipahayag ang kanilang pananaw sa programa bilang bahagi ng patas na pamamahayag.
Nagtapos siya sa pamamagitan ng pasasalamat sa pamunuan ng Politiko Talks at sa lahat ng mga sumubaybay sa programa.
Nitong nagdaang araw lamang, inulan ng batikos mula sa mga Diehard Duterte SUPPORTERS (DDS) ang video ni Bondoc kasama ang dating Senador Antonio Trillanes na ayon sa mga ito nagpapakita lamang na walang delicadeza si Bondoc dahil nakipag-chikahan ito sa taong naging instrumento umano kaya pinadala sa Hague, The Netherlands ang dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Bondoc ay kilalang tagasuporta ng dating Pangulong Duterte.
Dahil sa nasabing video, maraming DDS ang nag-unfollow sa Facebook kay Bondoc.