Madugong engkuwentro sa Pagadian: Police intelligence chief, 2 umano’y gun dealers patay

Nauwi sa madugong engkuwentro ang isang police operation laban sa umano’y illegal gun dealers matapos mapatay ang isang police intelligence chief at dalawang suspek bago magmadaling-araw nitong Linggo, Agosto 23.

Nasawi si Police Major Aiman Khuzaimah Pantaran, hepe ng intelligence unit ng Pagadian City Police Station, matapos tamaan ng bala sa dibdib sa isinagawang entrapment operation sa Purok Malipayon, Barangay Dao.

Kasama ring nasawi sa insidente ang magkapatid na sina Janie Bravo Gomez at Jerry Bravo Gomez, na umano’y target ng operasyon dahil sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagkasa ng operasyon sina Pantaran at ang kanyang mga tauhan matapos umanong makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na bentahan ng armas. Gayunman, nagkaroon umano ng komosyon nang matukoy ng magkapatid na mga pulis na nakasibilyan ang kanilang ka-transaksyon.

Ayon sa mga awtoridad, bumunot umano ng baril ang magkapatid at nagpaputok, na nagresulta sa maikling palitan ng putok.

Dinala sa Mendero Medical Center ang tatlo, ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Ayon sa Police Regional Office-9 at mga lokal na opisyal, matagal nang nakikilala ang magkapatid sa mga ilegal na aktibidad at ilang ulit na rin umanong nakulong dahil sa iba’t ibang kasong kriminal.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang buong pangyayari, kabilang ang umano’y koneksyon ng dalawang suspek sa mga kriminal na grupo sa Lanao del Sur at iba pang ilegal na aktibidad.

Larawan: Police Major Aiman Khuzaimah Pantaran, na nasawi sa isinagawang operasyon sa Pagadian City noong Agosto 23, 2026.

Police Major Aiman Khuzaimah Pantaran, na nasawi sa isinagawang operasyon sa Pagadian City noong Agosto 23, 2026.