7.6 milyong katao sa buong bansa, nabakunahan laban COVID-19 sa three-day National Immunization Drive

Pumalo na sa 7,628,432 katao ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa tatlong araw na National Immunization Drive na nagsimula noong Lunes hanggang kahapon (Disyembre 1).

Ito ay batay sa ulat ng National Vaccine Operations Center.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, hindi pa ito pinal dahil mayroon pang pumapasok na reports mula sa local government units.

Sinabi ng opisyal, mahigit  2.4 milyong  sa mga ito ang nabigyan ng bakuna sa ikatlong araw ng "Bayanihan Bakunahan".

Anya, naging top-performing regions ang CALABARZON, Central Luzon, at Central Visayas habang sa mga lalawigan naman ay nanguna ang Cavite, Laguna, at Cebu.

Dagdag pa ni Cabotaje, ang mga rehiyon na nalampasan ang committed target ng mababakunahan ay ang Ilocos Region, Metro Manila, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, at Cagayan Valley.

Batay sa ulat, pinakamarami sa nabakunahan sa National Capital Region (NCR) ay mga kabataang dose hanggang labingpitong taong gulang at mga nabigyan ng COVID-19 booster shots.