Malacañang, walang nakitang masama sa panawagan ni Mayor Sara na depensahan ang kanyang ka-tandem BBM mula sa mga kritisismo

Walang nakikitang masama ang palasyo sa Malakanyang sa naging panawagan ni Mayor Sara Duterte sa mga taga- suporta nito na depensahan mula sa mga pambabatikos ang kanyang sinusuportahan sa pagka- Pangulo na si dating Senador Bongbong Marcos.

Ayon pa kay Acting Presidential spokesperson Karlo Nograles, bahagi lamang ito ng political exercise ngayong panahon ng eleksiyon at normal lang at walang maituturing na kakaiba.

Anya, karaniwan na umano itong nangyayari na magkaruon ng pagkakaiba ng sinusuportahang mga kandidato ang isang partido o maging ng isang tumatakbo.

Samantala, sinabi ni Nograles na baka mapag- usapan ng ruling party na PDP Laban ang posibilidad na hikayatin si Mayor Sara na suportahan ang kandidato sa pagka- Pangulo ng partido.

Kinumpirma nito na may gaganaping national council meeting sa mga susunod na linggo ang administration party.