PRO 11, sero sa kaso ng COVID-19 sa loob ng walong araw

Walang naitalang kaso sa COVID-19 ang Police Regional Office (PRO) 11 kahapon, Nobyembre 23 at sa nakalipas na walong araw.

Ito ang iniulat sa News Fort ni PRO 11 director Brigadier General Filmore Escobal na ayon sa kanya, dalawang katao na lamang ang aktibong kaso ng COVID sa PRO 11.

Sinabi nito na ang kapulisan sa rehiyon ay nakapagtala ng 1,407 kumpirmadong kaso simula ng pandemya at 1,402 ang naitalang gumaling.

Dagdag ng opisyal, 9,572  personahe  o 99.23 porsyento na ang  nabigyan ng paunang bakuna at 9,228 ang nabakunahan na ng buo.

Habang 344 naman ang hindi pa nabigyan ng pangalawang bakuna.

Sa ngayon, ayon sa opisyal, 74 personahe na lamang ang  hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 dahil sa kanilang medical conditions, ang iba ay dahil umano sa allergy, habang ang ibang personahe naman ay dahil sa religious beliefs.

Ani Escobal, “Unti-unti na natin naipapanalo ang ating laban sa COVID-19, ngunit hindi pa rin tayo dapat magkompyansa, let us continue to observe the Minimum Health Standard Protocol upang maranasan ng buong PRO 11 kasama ng Davao Region ang isang COVID free na pagdiriwang ng darating na kapaskuhan.”

Larawan: PRO 11