AFP, tiniyak ang pagiging tapat sa konstitusyon

Tiniyak ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatiling tapat ang 145,000 miyembro nito sa konstitusyon ng bansa.

Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng AFP Colonel Ramon Zagala kasunod na rin  ng  pahayag ni dating AFP Southern Luzon Commander Retired Lieutenant General Antonio Parlade na kung  revolutionary government ang solusyon para maayos ang sistema ng Commission on Elections (COMELEC), “so be it”. 

Bagamat iginagalang ng AFP ang kalayaan sa pagpapahayag, ayon kay Zagala, hindi nila susuportahan ang anumang pagkilos na labag sa konstitusyon na kanilang pinoprotektahan kasama na ang proseso ng halalan. 

Hindi umano nagkulang ang pamunuan ng AFP sa pagpapaalala sa kanilang tropa na sumunod sa batas at sa chain of command kahit sino pa man ang nakaupo bilang kanilang commander-in chief.

Giit  ni Zagala na ang AFP ay mananatiling propesyonal na organisasyon at sinigurong hindi makikibahagi sa partisan politics.

Mandato umano nila na  uunahin ang interes ng bansa bago ang mga personal na pananaw at opinyon.

Larawan: AFP