AFP, PNP, PCG, nagkasundo kontra threat groups ngayong halalan

Isang kasunduan na magpapalakas ng kanilang legal na kooperasyon laban sa mga threat groups ngayong panahon ng halalan ang nilagdaan ng Armed Forces of The Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG).

Ang nabanggit na kasunduan ay nilagdaan ni AFP Chief of Staff Lieutenant General Andres Centino, PNP Chief General Dionardo Carlos at PCG Deputy Commandant for Operations Eduardo D Fabricante  sa ginanap na command conference kasama ang Commission on Elections (Comelec) sa Camp Crame kahapon (Pebrero 7).

Pinangunahan ni COMELEC Acting Chairperson Commissioner Socorro B Inting ang nasabing pagpupulong.

Itinakda rin sa naturang kasunduan ang proseso sa pag-handle ng isinuko, narekober, at nakumpiskang armas, bukod pa sa pinalakas na kooperasyon sa pagsulong ng mga kaso laban sa mga miyembro ng threat groups at kanilang financier.

Nagbigay naman ng katiyakan si Centino na may sapat na pwersa ang AFP para tugisin ang mga threat groups kasabay ng pagtiyak ng seguridad sa eleksyon. 

Sa panig naman ng Comelec, pinuri ni Commissioner Inting ang lahat ng miyembro ng uniformed personnel  sa kanilang pagseserbisyo para sa tagumpay at mapayapang halalan.

Nagpahayag din ang opisyal ng poll body ng kumpiyansa sa mga uniformed personnel na sila ay mananatiling propesyonal at Non-partisan sa darating na halalan.

Larawan mula sa AFP