Kaso laban kina Legarda at Leviste, ‘political persecution’

Iginiit ni Atty. Tony La Viña, tagapagsalita ni Senator Loren Legarda, na walang sapat na ebidensiyang nag-uugnay sa senador at sa kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste sa anumang ilegalidad o katiwalian kaugnay ng kanilang mga negosyo sa solar energy.

Ayon kay La Viña, malinaw umano na pulitika at hindi ebidensiya ang nagtutulak sa mga alegasyon laban sa mag-ina.

Sinabi niya na matapos niyang suriin ang mga paratang at kaugnay na pangyayari, wala siyang nakitang ginawa sina Legarda at Leviste na labag sa batas.

Binigyang-diin din ni La Viña na nasa preliminary investigation stage pa lamang ang mga usapin at wala pang pormal na kasong isinampa laban sa senador at kongresista.

Kinuwestiyon din niya ang umano’y mga pahayag ng Ombudsman na tila nagpapahiwatig na napagpasyahan na ang pananagutan ng mag-ina kahit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Samantala, sinabi ni La Viña na walang corporate records na nag-uugnay kay Senator Legarda sa Solar Para sa Bayan Corp. (SPBC) o sa iba pang kumpanya ng Solar Philippines bilang shareholder, officer o beneficiary. SanggunihangPang-heyograpiko

Ayon sa abogado, hindi sapat na ebidensiya ang pagiging ina ni Legarda kay Leviste upang iugnay siya sa mga negosyo ng kanyang anak.

“Ang pananagutan ay dapat nakabatay sa personal na ginawa ng tao, hindi sa kanyang relasyon o pagkakaugnay sa iba,” ani La Viña.

Hinggil naman sa franchise issue, sinabi ni La Viña na hindi eksklusibo sa SPBC ang prangkisa, walang government subsidy na ibinigay dito, at may mga hakbang na nakasalalay sa Department of Energy para sa pagpapatupad nito.

Iginiit din niyang hindi bumoto si Legarda sa plenaryo para maisabatas ang franchise at hindi ito ipinagbili, taliwas umano sa ilang pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon pa kay La Viña, hindi rin lubusang naipatupad ang franchise dahil hindi naglabas ang DOE ng implementing rules at hindi nito tinukoy ang mga lugar kung saan maaaring gamitin ang prangkisa.

Ipinaliwanag din niya na magkahiwalay na legal entities ang SPBC at iba pang kumpanya ng Solar Philippines, habang magkaiba rin umano ang congressional franchise at renewable energy service contract. SanggunihangPang-heyograpiko

Para naman kay Leviste, sinabi ni La Viña na hindi dapat ituring na krimen ang pagtatangka ng isang negosyante na magpatupad ng mga bagong ideya at business models, kahit hindi lahat ng proyekto ay nagtagumpay.

Aniya, nakatulong din ang mga proyekto ni Leviste sa pagdaragdag ng solar power sa energy mix ng bansa at walang batayan upang sabihing napinsala o napagkaitan ang pamahalaan at publiko dahil dito.

Iginiit ni La Viña na naging mas maigting lamang ang mga imbestigasyon laban kay Leviste matapos nitong ilantad sa publiko ang umano’y korapsyon noong huling bahagi ng 2025 at manawagan ng mas malawak na imbestigasyon sa katiwalian sa pamahalaan.

Dahil dito, tinawag niya itong “lawfare” o paggamit umano sa mga batas at legal na proseso bilang sandata para sa pampulitika at pansariling interes.

“Malinaw na pang-uusig na pampulitika ang nangyayari ngayon,” ani La Viña, habang iginiit na mali umano ang paggamit ng ganitong proseso laban sa mga kritiko, oposisyon, mamamahayag at aktibista.

Ayon sa kanya, kailangan nang itigil ang ganitong uri ng umano’y political persecution.

Senator Loren Legarda