VP SARA DUTERTE: PAGPAPIYANSA, PARA SA MAS MALAKING PROTEKSYON

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na nagpasya siyang magpiyansa sa halip na manatili sa kustodiya ng pulisya, kasunod ng payo ng kanyang mga abogado.

Ayon kay Duterte, ipinaliwanag ng kanyang legal team na mas mapoprotektahan siya ng mga sibilyang makakakita at makakapansin sa kanyang kalagayan kaysa sa pananatili sa isang hiwalay na detention facility, kung saan aniya ay mas limitado ang kanyang proteksiyon.

Iginiit din ng Bise Presidente na mula pa noong 2023 ay nakararanas na siya ng umano’y panggigipit at harassment mula sa gobyerno.

Sinabi rin niya na hindi niya nararamdamang ligtas ang kanyang ina at mga anak kung mananatili siyang kasama nila, dahilan upang lalo siyang mag-alala sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Para kay Duterte, ang kanyang pangamba ay sumasalamin din umano sa pangamba ng maraming Pilipino—hindi lamang tungkol sa seguridad ng kanilang pamilya at buhay, kundi maging sa kanilang ari-arian at kabuhayan, na iniuugnay niya sa umano’y kakulangan sa maayos na serbisyo publiko at talamak na korapsyon.