BOC-Davao, patuloy ang mahigpit na pagbabantay matapos masamsam ang P28.8-M na smuggled na sigarilyo

DAVAO CITY – Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Davao laban sa mga kontrabando na pilit pinupuslit sa mga pantalan nito.

Ito'y matapos na nasamsam ang nasa higit P28.8 million na halaga ng smuggled na sigarilyo sa Davao International Container Terminal (DICT), Panabo City, Davao Del Norte nitong nakaraang Enero 18.

Sa report ng BOC-Davao, nasakote ang mga nasabing kontrabando dahil sa mga impormasyon na natanggap ng BOC Intelligence Group. 

Napag-alaman na ang nasabing shipment ay unang idineklara bilang 1,077 packages ng assorted items gaya ng plastic washbasins, plastic chairs, drainer baskets, at bond papers. 

Pero, sa isinagawang physical inspection nakita ang ginawang misdeclaration ng smuggled cigarettes. 

Agad naman naglabas si BOC-Davao District Collector Atty. Erastus Sandino B. Austria nang Warrant of Seizure and Detention sa shipment na consigned sa Essafrank Consumer Goods Trading dahil sa paglabag nito sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Photos from BOC-DAVAO