“Poblacion Girl”, makukulong ng isa hanggang 6 buwan o multang P20,000-P50,000

Isa hanggang anim na buwang pagkakulong o multang mula P20,000 hanggang P50,000 ang kakaharaping parusa sa tinaguriang “Poblacion girl” na si Gwyneth Anne Chua.

Ito ay kung mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act na isinampa ng Criminal Investigationand detection Group (CIDG) laban kay Chua. 

Maliban kay Chua, kinasuhan din ng CIDG kahapon sa Makati Prosecutor’s Office  ang 8 pang ibang respondedent. 

Kabilang sa kinasuhan ayon kay Colonel Randy Glen Silvio ng CIDG-National  Capital Region (NCR) ay ang mga magulang ni Gwyneth na sina  Allan at Gemma Chua; ang nobyo nito na si Rico Atienza; Gladiolyn Blala, ang resident manager ng Berjaya Hotel Den Sabayo, Assistant Resident Manager Tito Arboleda, Security Manager Esteban Gatbonto , Security Doorman; at Hannah Araneta Front Desk Personnel. 

Batay sa imbestigasyon ng CIDG, napag-alaman na dinala si Chua sa Berjaya Hotel Makati noong Disyembre 22, 2021 ng alas-11:23 ng gabi  galing sa Amerika pero alas-11:40 ng gabi nang sinundo ito ng kanyang ama at umalis. 

Lumitaw rin sa imbestigasyon na nakita si Chua sa isa sa mga restaurant  sa Poblacion, Makati City noong gabi ng Disyembre 23, 2021. 

Bumalik si Chua sa hotel kasama ang kaniyang ina noong Disyembre 25, 2021 ng alas-9 ng gabi.

Lumabas sa kanyang test  na nagpositibo pala ito sa COVID-19.