Ayon kay COMELEC Commissioner Marlon Casquejo ang kanilang guidelines sa in-person campaign at party conventions ay ibabase nila sa IATF rules.
Halimbawa anya nito kung ang isang lugar ay nasa ilalim ng alert level 4 at 5 ay walang magiging in-person campaign ngunit kung nasa alert level 1 ay wala namang magiging restriction.
Sinabi ng opisyal pahihintulutan ang in-person campaign sa level 2 kung saan ang kandidato o isang campaign leader ay maaaring mag-ikot kasama ang limang support staff, habang sa level 3 ay tigatlo lamang.
Dagdag nito na kanilang lilimitahan ang operational capacity kada venue para sa party conventions at rallies depende sa alert level na ibabase pa rin sa IATF guidelines
Anya, sa lahat ng alert levels na ito, ipagbabawal ang pagpasok sa bahay-bahay at anomang uri ng physical contact sa kandidato at publiko.
Kinumpirma ni Casquejo na pinag-aaralan ngayon ng poll body na magtalaga ng facebook page kada lugar o distrito na maaaring gamitin para sa pag-live stream ng mga campaign rallies.
Posibleng sa susunod na linggo ay aaprubahan ng COMELEC en banc ang nasabing mga panuntunan.