100 agrarian reform beneficiaries ng Davao de Oro, nakatanggap ng CLOA mula sa pamahalaan

Aabot sa 174.13 ektarya ng lupa na kinapapalooban ng Alang sa Karagan Valley Settlement sa Bahi at Langgawisan, sa bayan ng Maragusan at isang government-owned land (GOL) na Davao National Agricultural School (DNAS) sa Banglasan, Montevista na pakikinabangan ng 100 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang ipinamahagi kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay DAR Undersecretary Elmer Distor, na siyang nanguna sa pamamahagi ng lupa, may 107 certificates of land ownership award (CLOAs) ang naibigay sa 79 ARBs mula sa 156.47 ektaryang lupain ng Alang sa Karagan Valley Settlement at 24 CLOA naman ang naipamahagi sa 21 magsasakang-benepisyaryo mula sa 17.66 ektarya ng Davao National Agricultural School.

 “Ang DAR ay may mandato na ipamahagi ang lupa sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Alagaan ninyo at pagyamanin ang mga lupaing inyong tinanggap,” ani Distor.

Ang pamamahagi ng mga CLOA ay kasabay ng selebrasyon ng ika-44 Araw na Pagdiriwang ng Maragusan, na ginanap sa Municipal Cultural Center, sa Poblacion.

 Binati naman ni DAR-Davao Regional Director Joseph Orilla ang mga benipisyaryo at nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan dahil sa pagiging bahagi ng pamamahagi ng lupa ng DAR sa kanilang selebrasyon. 

“Naniniwala ako na ang DAR-Davao de Oro provincial office ay patuloy na magsusumikap upang paglingkuran ang mga ARB sa pamamagitan ng mga programa ng ahensiya gaya ng land tenure security, development and sustainability, at agrarian justice delivery,” ani Orilla.

Dumalo sa nasabing seremonya sina Maragusan Mayor Maricel Colina-Vendiola, Montevista Mayor Eutropio Jayectin, Provincial Agrarian Reform Program Officer II Jupiter Arandela Jr., at mga opisyal ng DAR.

Larawan: DAR