Alkalde ng Cebu City Edgardo Labella, pumanaw kaninang madaling araw dahil sa sakit

Pumanaw kaninang alas-3 ng madaling araw (Nobyembre 19) si Cebu City Mayor Edgardo Labella matapos rin maglabas-pasok sa ospital nitong nakaraang mga buwan.

Kinumpirma  ng mismong kapatid ng alkalde  na si Jojo Labella at maging ni Cebu City Acting Mayor Michael Rama.

Bago pumanaw si Labella ay nakapag-file pa ito ng indefinite leave matapos ang sunod-sunod na medical leave.

Nitong undas lamang naospital at nailagay sa Intensive Care Unit sa loob ng tatlong araw si Labella  matapos ang isa na namang pakikipaglaban sa sepsis at pneumonia.

Nauna nang inamin ng pamilya Labella na na-diagnose ang alkalde ng prostate cancer ilang taon na ang nakakaraan at ito ay regular na pumupunta sa Maynila para sa kanyang check up.

Ngunit simula noong pumutok ang pandemya, hindi na raw ito nakabalik ng  Maynila para sa kanyang regular check-up at naging abala sa COVID-19 response ng Cebu City.