266 na NPA sumuko sa loob ng tatlong buwan ngayong taon

Umabot na sa 266 ang mga miyembro ng NPA na sumuko sa buong bansa mula buwan ng Enero hanggang Marso nitong taong kasalukuyan.

Ito ang iniulat ni Colonel Jorry Baclor, hepe ng Public Affairs Office ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Baclor, malaking tulong ang suporta ng mga lokal na pamahalaan sa National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang  naging susi sa tuloy-tuloy na pagkalagas ng pwersa ng NPA. 

Sa nasabi ring panahon, 37 ang namatay sa operasyon, at 29 ang nahuli ng militar mula Enero hanggang sa Marso ng taong ito sa buong bansa.

Batay sa tala ng AFP, pinakamarami  sa mga sumuko ay nagmula sa NPA units sa Eastern Mindanao, na nasa 114; habang 58 ang mula sa NPA units sa Western Mindanao; 37 sa Southern Luzon; 36 sa Visayas; 20 sa Northern Luzon; at isa naman sa Palawan. 

Umabot rin sa  492 high-powered and low-powered firearms; at 148 anti-personnel mines na ipinagbabawal ng International Humanitarian Law, mula sa mga teroristang komunista ang na-rekober ng kasundaluhan.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat ang hepe ng AFP General Andres Centino sa mga mamayan na naging daan sa pagkakadiskubre ng 66 na kuta ng mga terorista, na ang karamihan ay nasa Eastern Mindanao and Visayas areas.
Matatandaan na inihayag ni Centino ang kanyang kompaynsa na matutupad ng militar ang atas ng Pangulo na tapusin na ang NPA insurgency  bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30 ngayong taon.


“As the nation's primary protector against terrorists and other state adversaries, the AFP's security operations, programs, and activities are rooted in our collective desire for peace and security. Through working and cooperating with organizations and stakeholders, I know that we can get closer to achieving these mutual aspirations for our people,"ayon kay  Centino.