Bawal ang kampanya sa Holy Thursday, Good Friday: PNP

Mariing nagpaalala ang hepe ng Philippine National Police (PNP) General Dionardo Carlos ang lahat ng mga kandidato sa eleksyon na bawal ang pangangampanya sa Abril 14 Holy, Thursday at Abril 15, Good Friday.

Ito ay batay sa Calendar of activities na ipinasa ng Commission on Elections (COMELEC). 

Ayon kay Carlos, istriktong babantayan ng mga pulis ang mga aktibidad sa mga pampublikong lugar sa nabanggit na mga araw.

Kabilang na umano dito ang aktibidad ng mga politiko o kanilang mga supporters at sinabi ng opisyal na ang mahuhuling  lumabag ay kanilang ire-report sa Comelec. 

Ang paalala ay ginawa ni Carlos  kasabay na rin ng paghahanda ng  pambansang pulisya para sa darating na semana Santa. 

Nauna nang iniutos ng PNP chief sa lahat ng field commanders nito na siguraduhin ang police visibility at magtatag ng mga police assistance centers sa mga lugar na tradisyunal na dinadayo ng mga tao sa panahon  ng semana santa.

Partikular na tinukoy ni Carlos ang mga transportation hubs at mga major highways patungo sa ibat-ibang  lalawigan.