MinDA siniguro na magpapatuloy ang mga big-ticket projects sa Mindanao kahit na tapos na ang termino ni Pang. Duterte

DAVAO CITY – Siniguro ng Mindanao Development Authority (MinDA) na matatapos ang lahat ng big-ticket projects sa Mindanao kahit pa sa pagbaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30 ngayong taon.

Sa isang press conference, sinabi ni MinDA Assistant Secretary Romeo Montenegro na kahit pa mag iba ang administrasyon ay magpapatuloy pa rin ang implementasyon nito nasa priority program na ito ng pamahalaan.

Ilan sa mga big-ticket projects na hindi nasimulan ay ang Davao-Samal Bridge at Mindanao Railway Project.

Paliwanag ni Montenegro natagalan ang implementasyon ng Davao - Samal Bridge na dapat sana'y magsisimula noong 2021 dahil nasa discussion stage pa ring gobyerno at Chinese government na magbibigay ng loan para sa nasabing proyekto.

Para naman sa Mindanao Railway Project, inaasahan umano ang pagsisimula ng proyekto kapag natapos ang kakaunting gusot dito.

Ayon kay Montenegro na sa panahon na matapos na ang nasabing problema ay sisimulan na agad ang naturang proyekto dahil hindi naman nakadepende ang pondo nito sa loan di gaya ng sa Davao-Samal Bridge project.